"ANG DAAN TUNGO SA DEMOKRASYA"
Michelle Yvonna B. Dinglasan
Ano ang kahulugan ng Demokrasya? Ang demokrasya ay isang sistema ng pamahalaan na kung saan nasa mga taong bayan ang kapangyarihan. Nasa kanila ang karapatang pumili ng lider para manguna sa pamamagitan ng pagboto. Ang Pilipinas ay may ganitong uri ng sistema.
Ang ating bansa ay nasa ilalim ng demokratikong patakaran. Bansang lahat ng tao ay may kalayaang magbigay ng opinyon at bansang ang taumbayan ang kadalasang nasusunod. Ngunit sa palagian nating paggamit ng salitang ‘demokrasya’, tama pa kaya ang pagkakaintindi natin ng kahulugan nito?
Sa makabagong panahon ngayon, madalas na ngang naririnig ang salitang ito. Nagkakaroon ng lakas ng loob ang mga tao lalung-lalo na ang mga kabataan na magsipaglantaran sa mga kalye at sumigaw ng kani-kanilang protesta laban sa mga bagay na para sa kanila ay hindi makatao. Inaakala ng mga kabataang ito na sila ay nasa tamang lugar lalo na’t marami ang nahikayat nilang sumama sa pagrarally. Tama daw sila dahil lahat ng tao ay bukas na makapagpahayag ng kanilang saloobin sa demokratikong bansa nang walang pag-aatubili, magpoprotesta sila hangga’t maari.
Sa mga pagpupulong naman, palaging nahahati ang usapan sa dalawang grupo. Maaaring sa oo at hindi lamang, kung sino ang may pinakamaraming miyembro ay siyang panalo. Ika nga “majority wins”. Di ba ito rin ang pagkakaintindi ng ibang tao sa salitang demokrasya? Kung sino ang mas may maraming opinyon, maraming miyembro o kahit anong basta ‘marami’ ay siyang nasusunod? Ito nga ba ang totoong kahulugan ng demokrasya?
Hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay tama ang opinyon ng karamihan. Maaaring makatarungan ang kanilang opinyon, maaari namang hindi. Kahit na totoong nasa demokratikong bansa ang Pilipinas ay may mga tao pa ring nakaupo sa pwesto at mas may karapatang mamuno. Ang tao naman ay matalino at kaya niyang alamin kung tama ba o hindi ang pamamalakad ng namumuno sa pinamumunuan niya. Hindi dapat basta-basta na lang gamitin sa kahit anong paraan ang salitang ‘demokrasya’ dahil sa inaabuso na ang kapangyarihan nito. Sana’y ang pagiging demokratikong bansa natin ang makakaahon sa pagkakalubog nito. Ano pa ang silbi ng pagiging demokratikong bansa natin kung wala pa ring kaayusan? Pilipino, mag-isip ka bago magprotesta. Hindi man lahat nabiyayaan ng kapangyarihan ngunit lahat ay may karapatang kumilos.
Demokrasya — tunay na napakamakapangyarihang salita hindi ba? Sa pag-iisip, pagpili at pagsusuri ng bagay, demokratiko ka rin ba?
gaya nga ng nabanggit, isa sa mga daan upang magkaroon ng demokrasya, ay ang ating pagkakaunawaan, ang pagkakaroon ng kaayusan at ng pagkakaisa. ito ay ilan sa mga salik na kailangan nating isabuhay nang sa gayo'y makamit natin ang tunay na demokrasyang ating hinahangad. panahon na din upang pag-ibayuhin ang paggamit ng mga makakalikasang bagay na tunay na makatutulong sa ating pag-unlad bilang isang demokratikong bansa. lagi ding tatandaan na sa ano mang bagay na iyong pipiliin, alamin muna ang kapakanan at 'yong mga bagay na makabubuti sa nakararami. at ang pinaka-mahalaga sa lahat, ay ang hindi paglimot na tayo ay may Panginoon na kailan may hindi tayo iiwan ano man ang bagyo at problemang dumating na makasisira sa pagiging isang mapayapa o demokratiko ng ating bansang Pilipinas.
Napakagandang artikulo gustong gusto ko ang paunang pagpaliwanag kung ano ang ibigsabihin ng Demukrasya
TumugonBurahinNegosyongPinoy.info